BAGUIO CITY – Hawak na ngayon ng pulisya ang suspek na sumaksak ng 18 beses sa isang taxi driver sa lungsod ng Baguio noong nakaraang linggo, Abril 4.

Gayunman, tumangging pangalanan ni P/Maj. Francisco Cacas, commander ng Baguio City Police Office-Station 5 ang nasabing suspek.

Aniya, hindi raw hold-up ang motibo ng suspek base na rin sa nakuhang video sa dash cam ng taxi ng biktima.

Batay sa video, lumalabas na inutusan ang suspek na patayin ang biktima.

Ibinahagi naman ng biktima na nanlaban daw siya kaya tumakas ang suspek at nang kanya na itong habulin ay nasabi ng suspek na iba pala ang nasaksak nito.

Napag-alaman na nagtamo ang biktima ng 18 na saksak sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan na ngayon ay nagpapagaling na sa pagamutan.

Sinabi ni Cacas na inaalam pa nila ang karagdagang impormasyon sa kaso.

Una rito, ibinahagi ng pulisya sa social media ang video na kuha ng dash cam ng taxi at mga screen shots ng mukha ng suspek.

Napag-alamang pumunta sa himpilan ng pulisya ang isang pamilya kasama ang abogado ng mga ito para linawin ang pangalan ng kanilang kapamilya na kamukha ng nasa screen shots ngunit sumunod ang nasabing lalaki kung saan dito na niya inamin ang kanyang kasalanan.