GENERAL SANTOS CITY – Patay ang isang target ng search warrant matapos umanong manlaban sa mga pulis.

Kinilala ang nasabing suspek na si si Jeffrey Dequia, 42, residente ng Cabe Subdivision sa Bula sa lungsod.

Batay sa impormasyon, ipinatupad ng mga tauhan ng Bula Police Station at ng iba pang unit ng kapulisan ang search warrant na pirmado ni Judge Oscar Noel Jr. ng RTC Branch 35 sa bahay ng suspek kaugnay sa paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Subalit nang babasahan na sana raw ng warrant ng mga pulis ang suspek, bigla na lamang itong pumalag at pinaputukan ang mga otoridad.

Kaya naman gumanti umano ang mga pulis at nabaril ang suspek na naisugod pa sa pagamutan subalit binawian din ng buhay.

Samantala, narekober naman sa pamamahay nito ang isang caliber .38 pistol at ilang pakete ng shabu.