Naaresto ng mga operatiba ng PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Anti Fraud and Computer Crimes Division ang suspek na sangkot sa daang milyong invesment scam.

Kinilala ni PNP chief Oscar Albayalde ang umano’y estapadora na si Margarita Huang alyas Irma Pascual.

Naaresto si Huang ng CIDG sa ilalim ng “Oplan Pagtutugis.”

Si Huang ay mayroong tatlong arrest warrants na nahaharap sa kasong syndicated estafa dahil sa pagkakasangkot nito sa umano’y investment scam.

Ayon sa mga biktima, inimbitahan sila ni Huang para mag-invest sa Comfoods Lending Corp. sa pangakong magkakaroon ng apat na porsyentong monthly interest sa loob ng anim na buwan.

Pero hindi umano nagawang magbigay ng interest si Huang at maging ang pagbalik ng kanilang mga investments na nagkakahalaga ng mahigit P146-milyon.

Batay sa datos, nakatanggap si Huang ng P148-million mula sa 46 investors simula 2015 hanggang 2016.

Ang bawat investor daw ay nag-invest ng pera na nagkakahalaga ng P100,000 hanggang P3 million.

Kasalukuyang nananatili sa kustodiya ng PNP-CIDG si Huang sa Camp Crame.