KORONADAL CITY – Nananatiling inspirado ang Philippine football team na manalo sa nagpapatuloy na SEA Games 2019.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Richard Leyble, assistant Coach ng Philippine Football Team, sinabi nitong ganado pa rin ang kanilang mga players na maglaro dahil sa mainit na suporta ng mga kababayan.

Ngunit inamin din nitong hindi sila nagpapakampante sa kanilang mga makakalabang bansa dahil tulad nila ay pursigido din ang mga ito sa medalya.

Ayon kay Leyble, nakatutok sila ngayon na maka-qualify sa semifinals kaya pinapalakas pa ang recovery training at mga taktika na gagamitin sa kanilang makakaharap.

Sa kabilang banda, labis naman ang pasasalamat ni Coach Efren Apresto ng Arnis team sa ibinibigay na suporta ng mamamayang Pilipino sa mga pambato ng bansa.

Ito ay matapos na mistulang inani ng Philippine arnis team ang mga medalya naturang kompetisyon makaraang umabot sa 12 gold medals ang kanilang nakuha kahapon sa Day 2 ng SEA Games.