Iniulat ni Occidental Mindoro Vice Governor Anecita Diana Apigo-Tayag naibalik na ang suplay ng kuryente sa kanilang lalawigan.
Subalit kinuwestyon naman ng Bise-Gobernador ang umano’y pag-abuso sa ng Occidental Mindoro Consolidated Power Corporation (OMCPC), ang natatanging power provider ng probinsya, sa pagiging monopolyo nito para makakolekta ng subsidiya mula sa pamahalaan.
Ginawa ng local executive ang naturang pahayag matapos ang biglaang pagsuplay ng 32 mega watts ng Occidental Mindoro Consolidated Power Corporation para sa mga residente sa kanilang probinsya gayong sa nakalipas na mahigit isang buwan tanging nasa apat na oras na suplay ng kuryente lamang ang naibibigay nito kada araw.
Ikinagulat din ito ng opisyal dahil ang 32 megawatts ng suplay ng kuryente ay higit pa sa demand sa kuryente sa kanilang lalawigan.
Ipinunto pa ng Bise Gobernador na hawak sila sa leeg ng nasabing power provider kung saan pinapatayan aniya sila ng kuryente sa tuwing may kailangan ito sa national government.
Kayat iginiit ng Bise-Gobernador na kailangan na magkaroon ng bagong power provider sa kanilang lalawigan.
Una ng nagkasundo ang National Electrification Administration (NEA) at PSI na i-operate ang planta sa may San Jose upang makapagbigay ng karagdagang 5 hanggang 6 megawatts ng libreng suplay ng kuryente sa loob ng dalawang buwan.
Inihayag din ng gobyerno na humahanap na ito ng posibleng solusyon para masolusyunan ang krisis sa kuryente sa Occidental Mindoro.