LEGAZPI CITY – Aabot na sa mahigit P4.6 billion ang pinsala sa imprastruktura sa Bicol Region dulot ng hagupit ng Super Typhoon Rolly.
Ito ay batay sa inisyal na datos ng Office of the Civil Defense (OCD)-Bicol.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay DPWH (Department of Public Works and Highways)-Bicol information officer Lucy Castañeda, karamihan ay mga tulay ang naapektuhan ng naturang bagyo.
Kabilang dito ang ilang tulay sa 1st District ng Albay na karamihan ay hindi na puwedeng daanan ng mga heavy equipment.
Ayon kay Castañeda, sa ngayon prayoridad muna ng pamahalaan na mabigyan ng pondo ay ang mga nasirang national roads na laging dinadaan ng mga sasakyan.
Sa kasalukuyan, patuloy ang clearing operations ng DPWH sa iba’t ibang bahagi ng Bicol Region.