BAGUIO CITY – Pinaglalamayan ngayon ang isang sundalo habang sugatan ang kasama nitong sundalo din matapos maaksidente ang sinakyan nilang motorsiklo sa national road na boundary ng Quezon, Isabela at Rizal, Kalinga kamakalawa.

Nakilala ang namatay na si Pvt. Florante Keya Chinalpan, 26, driver ng motorsiklo at residente ng Sadanga, Mt. Province.

Nakilala naman ang sugatan na si Pvt. Ricky Falaweg Adchak, 23-anyos, back rider at residente ng Bontoc, Mt. Province.

Napag-alaman na nakadestino ang dalawa sa 5th Infantry Division, Philippine Army sa Camp Melchor F Dela Cruz, Upi, Isabela.

Batay sa report, bumibiyahe ang dalawa sa pamamagitan ng motorsiklo sa nasabing national road nang mawala ang kontrol ni Pvt. Chinalpan sa handle bar ng motorsiklo.

Nagresulta ito sa pagsalpok ng motorsiklo sa kanang bahagi ng daan.

Tumama ang ulo ni Pvt. Chinalpan sa gilid ng bakal na road barrier at nasira ang kanyang helmet habang ang kanyang back rider na si Pvt. Adchak ay nagtamo ng mga sugat sa kanyang mga braso at mga binti.

Dinala ang mga biktima sa Quezon Community Hospital ngunit idineklarang dead on arrival si Chinalpan.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga pulis sa nasabing insidente.