May nakita umanong kakaibang chemical substance mula sa mga nakuhang fragments na mula sa isang pipe bomb ang mga tauhan ng PNP Explosive Ordnance Disposal (EOD) Team.

Kaugnay pa rin ito ng nangyaring pagsabog sa Mount Carmel Cathedral sa Jolo, Sulu noong araw ng Linggo kung saan umabot na sa 21 ang nasawi.

Ayon kay Sulu police provincial office spokesperson P/Supt. Kris Gutierez, sinusuri na ito sa ngayon ng PNP Crime Lab para matukoy kung anong klaseng substance o kemikal ang ginamit ng mga terorista.

Una nang tinukoy na may sangkap na ammonium nitrate fuel oil ang ginamit na improvised explosive device (IED).

Sinabi pa ni Gutierez, batay sa salaysay ng EOD team, first time sila nakakuha ng kakaibang chemical substance na gawa sa pipe bomb kumpara sa mga nakaraang pagsabog sa probinsiya.

Sa kanilang pagtataya, nasa tatlo hanggang apat na araw ang hihintayin para mabatid kung anong chemical ginamit sa IED.

Inamin naman ng Sulu PNP na posibleng kagagawan nga ng mga suicide bombers ang kambal na pagsabog sa Jolo.

Sinabi ni Gutierez, batay kasi sa pahayag at affidavit ng ilang testigo, may nakita umano itong babae sa lugar kung saan sumabog ang unang IED sa loob ng katedral.

Kinumpirma din ni Gutierez na may narekober ang mga imbestigador ng dalawang pares ng paa ng isang babae at lalaki na posibleng sa mga suspected suicide bombers.

Aniya, naisumite na rin daw nila ito sa PNP Crime Lab para masuri kung ito ay paa ng isang babae at lalaki.

Nagpapatuloy pa rin ang pagtugis ng militar sa itinuturong nasa likod ng Jolo bombing na si alias Kamah.

Tiyak naman ang PNP at AFP na hindi pa nakakalabas ng Sulu ang suspek.