Reading Time: 1 minute

Nanawagan si ACT-Teachers party-list Rep. France Castro na tiyakin at gawing “substantial” ang wage increase sa mga guro sa pampublikong paaralan ngayong mataas na ang presyo ng mga bilihin.

Ang pahayag na ito ni Castro ay bahagi ng kanyang kauna-unahang privilege speech sa 18th Congress bilang reaksyon na rin sa panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Kongreso na magpasa ng panibagong Salary Standardization Law (SSL) para sa pay hike ng mga government employees, kabilang na ang mga guro.

Bagama’t welcome para kay Castro ang naging direktiba ng Pangulo, iminungkahi naman nito na itaas sa kahit P30,000 man lang ang sahod ng mga guro sa pampublikong paaralan mula sa kasalukuyan na P20,740.

“The President should turn his repeated promises of salary increase into reality and include substantial salary increases in his proposed budget for the fiscal year 2020,” ani Castro.

“Again, we stress the operative word ‘substantial’ – hindi mumo, hindi barya, kundi substantial, makatuwiran, at nakabubuhay na suweldo para sa ating mga guro, education support personnel, at iba pang mga kawani sa pamahalaan,” dagdag pa nito.

Para sa kongresista, masyado nang mababa ang 4-year increase sa sahod ng mga empleyado ng gobyerno alinsunod sa itinatakda ng SSL na naipasa noon pang Aquino administration ngayong mayroong may dagdag na buwis na ipinatupad naman ang administrasyong Duterte.

“Bakit tayo magsasabatas ng dagdag-suweldo na hindi nalalayo sa P500 samantalang LPG (liquefied petroleum gas) at pamasahe pa lang ay higit na sa ganitong halaga ang itinaas?” tanong ni Castro.