LEGAZPI CITY – Pinakilos na rin daw ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) ang mga tauhan nito para silipin ang posibleng pagkukulang ng local government units sa mga napinsalang gusali ng magkakasunod na lindol sa Mindanao.

Sa panayam ng Bombo Radyo sinabi ni PACC chairman Manuelito Luna na nabatid ng kanilang ginawang initial investigation na gawa sa substandard o mahinang materyales ang ilang sa mga gusali na naapektuhan ng mga pagyanig.

Karamihan daw sa mga ito ang mga istrukturang pag-aari ng gobyerno.

Hindi umano palalampasin ng PACC ang imbestigasyon dito para mapanagot ang mga opisyal na posibleng sangkot sa katiwalian.

Sa ngayon patuloy daw na vina-validate ng ahensya ang natanggap nilang mga ulat.

Nakikipag-ugnayan din umano sila sa Department of Trade and Industry at Bureau of Customs para malaman kung paanong nakapasok ang sinasabing mahihinang materyales.