Reading Time: 1 minute
Angelo Baguio

CEBU CITY – Viral ngayon sa social media ang isang street cleaner ng Cebu matapos isauli ang isang wallet na naglalaman ng P30,000.

Kinilala ang binansagang “good samaritan” na si Angelo Bagiuo, 40, at nagtatrabaho bilang street cleaner sa Ayala Business Park.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Cebu kay Bagiuo, sinabi nitong napulot niya ang wallet habang nagwawalis.

Kaagad daw niyang inalam kung mayroong identification cards sa loob ng wallet.

Dahil hindi sa kanya ang nasabing wallet, tinawagan niya ang contact number na nakalagay sa isang ID para ipaalam sa may-ari na nasa kanya ang wallet nito.

Labis naman ang pasasalamat ng may-ari na si Christine Janelle Kho na hindi na inakalang may magsasauli pa ng kanyang pera.

Kaya naman nag-post ito ng larawan ni Bagiuo sa kanyang social media kung saan ikinagigiliw naman ng mga netizens at nag-viral pa.