trump state of the union 1

Inabot ng isang oras at 20 minuto ang ginanap na taunang State of the Union Address ni US President Donald Trump sa House of Congress kaninang umaga, Manila time.

Kaugnay nito, mistulang naging campaign speech ang naturang talumpati ni Trump matapos nitong talakayin ang iba’t ibang paksa na sumesentro sa malalaking pagbabagong naidulot ng kaniyang administrasyon.

Naging agaw-pansin din ang hindi nito pagtanggap sa kamay ni House Speaker Nancy Pelosi matapos iabot nang huli ang kaniyang kamay para sana makipag-shake hands sa presidente.

Kitang kita rin ang lantarang pagpunit ni Pelosi sa kopya nito ng speech ni Trump kasabay ng masigabong palakpakan mula sa mga mambabatas nang matapos ang talumpati nito.

Kung matatandaan, si Pelosi ay isa sa mga nagsulong ng impeachment trial laban kay Trump dahil sa diumano’y pakikipag-ugnayan nito sa Ukraine at pagnanais na magsagawa ng imbestigasyon laban kay former US Vice President Joe Biden.

-- Advertisement --

Samantala, binigyan ng standing ovation si Venezuelan opposition leader Juan Guaido bilang isa sa mga panauhin ni Trump.

Ipinakilala ni Trump si Guaido bilang “true and legitimate president” ng Venezuela.

Nilinaw din ng presidente na nananatiling maayos ang samahan sa pagitan ng Amerika at Venezuela sa kabila ng mga kinakaharap nilang isyu.

Ginawaran naman ni Trump ang political radio host na si Rush Limbaugh ng Presidential Medal of Freedom dahil sa pagiging isa sa mga taong pinagkakatiwalaan ng presidente.