Inanunsyo ni Prime Minister Shinzo Abe na magdedeklara ito ng state of emergency sa pitong prefectures sa Japan dahil pa rin sa banta ng coronavirus outbreak sa bansa.
Inaasahan na ipatutupad ang state of emergency sa loob ng isang buwan sa Tokyo, Kanagawa, Saitama, Chiba, Osaka, Hyogo at Fukuoka.
Ayon kay Abe, ang plano na ito ay suhestyon ni Omi Shigeru, pinuno ng advisory panel.
Ipinakita aniya ni Omi ang pagtaas ng bilang ng mga pasyente sa Tokyo, Osaka at iba pang syudad sa Japan maging ang panganib nito sa healthcare services.
Dagdag pa ni Abe na ang deklarasyon ng state of emergency ay makakatulong umano para bawasa ang person-to-person contact at pagbutihin pa ang healthcare environment.
Binigyang-diin din ng prime minister na ang lockdown ay hindi kaagad ipatutupad tulad nang ginawa ng ibang bansa. Patuloy naman ang paghahatid nang serbisyo ng pampublikong transportasyon, palengke at iba pang essential businesses.
Magkakaroon din ng kakayahan ang gobernador ng bawat prefectures na ipag-utos sa kanilang nasasakupan na umiwas muna sa mga hindi mahahalagang lakad.
Maari rin nilang hingin ang pagsasara ng mga eskwelahan, department stores, sinehan at iba pang lugar kung saan nagtitipon-tipon ang mga tao.
Sa oras naman ng emergency ay pwede ring humingi ang mga ito ng tuloong mula sa mga logistics companies na magpadala ng medical supplies at equipments.