Tiniyak ng Department of Finance (DOF) na may nakahanda ng pondo para sa gagawing pagpapauwi ng mga overseas Filipino workers (OFWs) mula sa Middle East bago pa man ang naging anunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa mass evacuation.

Sinabi ni Finance Undersecretary Rolando Toledo, mayroong P1.29 billion na pondo ang Department of Foreign Affairs para sa repatriation program.

-- Advertisement --

Ayon kay Usec. Toledo, may hiwalay na P600 million din ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) para sa mga OFWs na kailangang pauwiin.

Inihayag ni Usec. Toledo na nakahanda na ang kabuuang P1.8 billion standby fund na gagamitin ng gobyerno anumang oras sa paglilikas ng mga Pilipinong naiipit sa tensyon sa pagitan ng Estados Unidos at Iran.

Sakali umanong kulangin ang nasabing pondo, mayroon pang contingency fund na nagkakahalaga ng P13 billion na kailangan lamang ng pag-apruba ni Pangulong Duterte para ito magamit.