VIGAN CITY – Nagpapasalamat sa kasalukuyang administrasyon at sa Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) ang ilang sports official sa suporta at sa matagumpay na hosting ng bansa sa ika-30 edisyon ng Southeast Asian Games.

Itinanghal na over-all champion ang Team Philippines dahil sa nakuhang 149 na gintong medalya ng mga atleta.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni Association of Boxing Alliances of the Philippines (ABAP) Secretary General Ed Picson na bagama’t mayroong aberya, hindi umano ito maiiwasan at normal lamang ito sa mga naging host ng nasabing regional biennial meet.

Aniya, ang importante umano ay naipakita ng Pilipinas na kaya nitong maging host ng malaking sporting event.

Una nang sinabi ni Picson na ang mainit na suporta ng gobiyerno at ng publiko sa kahit anong aspeto ay ang pangunahing susi sa tagumpay ng atletang Pilipino.