-- Advertisements --

Nakita sa isang resort town sa North Korea ang hinihinalang special train na ginagamit ni North Korean leader Kim Jong Un.

Ito’y sa kabila nang mga naglabasang balita na nasa malubhang kalagayan si Kim.

Base sa inilabas na satellite images ng monitoring project 38 North, di-umano’y naka-park ang tren sa leadership station sa Wonsan noong Abril 21-Abril 23.

Tanging ang pamilya lamang ng North Korean leader ang maaaring gumamit ng naturang station.

Una nang lumabas ang ulat ngayong linggo na nagpapagaling na raw si Kim matapos sumailalim sa cardiovascular procedure noong Abril 12.

Naging kapansin-pansin din ang hindi nito pagdalo sa selebrasyon ng kaarawan ng kaniyang lolo na si Kim Il Sung noong Abril 15.

Samantala, nagpadala na ang China ng isang team na kinabibilangan ng mga medical experts sa North Korea upang madetermina ang totoong lagay ng kalusugan ni Kim.