Kumpiyansa si Speaker Martin G. Romualdez na darami pa ang mga bansa na susuporta sa Pilipinas tungo sa isang mapayapa, matatag at ma-unlad na Indo-Pacific region.
Ginawa ni Speaker Romualdez ang pahayag makaraan magtalumpati si Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. sa ika-21 International Institute for Strategic Studies-Shangri-La Dialogue sa Singapore.
Si Speaker Romualdez ay bahagi ng delegasyon ni Pangulong Marcos Jr. na lumahok sa makasaysayang IISS-Shangri-La Dialogue. Si Pangulong Marcos ang kauna-unahang pinuno ng Pilipinas na naging keynote speaker sa pangunahing defense forum sa Asia.
Ang tema ng talumpati ng Pangulo ay ang “Seven Realities and Three Constants: Addressing the Regional Security Challenges Facing Indo-Pacific,” na nagbibigay diin sa paninindigan ng Pilipinas tungo sa kapayapaan, soberanya at paggalang sa umiiral na batas.
Pinuri rin ni Speaker Romualdez ang matatag na paninindigan ni Pangulong Marcos sa pagsunod sa international law, partikular ang 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at ang 2016 Arbitral Award kung saan sinabi na ang Pilipinas ang may saklaw ng West Philippine Sea.
Ang talumpati ng Pangulo sa IISS-Shangri-La Dialogue ay kasunod na naging pahayag ng China na magpapatupad ito ng fishing ban sa South China Sea at banta na huhulihin ang mga ‘trespasser’ sa pinag-aagawang teritoryo.
Makailang ulit na ring binangga at binomba ng tubig ng Chinese Coast Guard at Chinese maritime militia ang mga sasakyang pandagat ng Philippine Coast Guard gayundin ang mga maliliit na bangka ng mga mangingisdang Pilipino.
Sa kanyang talumpati, muling inihayag ni Pangulong Marcos ang hangarin ng Pilipinas na lutasin ang alitan sa pamamagitan ng diplomasya, nang naayon sa Manila Declaration on the Peaceful Settlement of Disputes na nagtataguyod sa legal at diplomatiko proseso sa halip na paggamit ng pagbabanta at karahasan.
Binigyang diin din ng Pangulo ang kahalagahan ng pagtutulungan ng bawat rehiyon at sa Asya sa pagpapanatili ng kapayapaan at katatagan sa Indo-Pacific. Panawagan din ni Pangulong Marcos ang mas matibay na alyansa at pakikipagtulungan, lalo na sa mga bansang nakikiisa sa itinataguyod ng Pilipinas na pagsunod sa rules-based international order.
Tinukoy din ni Pangulong Marcos ang pitong usapin sa Indo-Pacific na kinakailangang tugunan ng magkakasama gaya ng pagkilala sa iba’t ibang interes ng mga bansa, kompetisyon sa pagitan ng China at Estados Unidos, kahalagahan ng global commons, mga hamong dulot ng climate change, mabilis na pagbabago sa teknolohiya, at pangangailangan sa responsableng pamamahala sa kakayahang nukleyar at militar.
Iginiit ni Speaker Romualdez na ang mga usaping ito ay nangangailangan ng isang nagkakaisang pagtalakay at pagtugon mula sa bawat bansa sa buong rehiyon.