Idinipensa ni House Speaker Alan Peter Cayetano ang kampanya ng pamahalaan kontra iligal na droga.

Ito ay matapos sabihin kamakailan ni Vice President Leni Robredo na kailangan may baguhin sa istilo ng war on drugs ng Duterte administration.

Sa ambush interview kay Cayetano matapos nitong pangunahan ang flag raising ceremony sa Kamara, minaliit lamang nito ang naturang puna ni Robredo.

Ayon sa lider ng Kamara, paano masasabing bigo ang naturang kampanya ng pamahalaan kontra iligal na droga gayong marami naman ang naniniwala na epektibo ito batay na rin sa mga resulta ng mga survey kamakailan.

“Pero yung sinabi mong failed ang drug war, why does more than 80 percent of our people believe that it’s safer now in the Philippines? Why do 80 percent of our people believe na mas mabuti? Ang sinasabi ng Vice President na marami na ang namatay pero marami pa rin ang pusher, kasi marami ang pera eh,” ani Cayetano.

Gayunman, kung hindi naman aniya tiwala talaga si Robredo sa implementasyon ng war on drugs, maari aniyang magbigay ito ng mga suhestiyon na maaring ipalit dito.

Iginiit ni Cayetano na dapat linawin ng Bise Presidente ang ibig sabihin ng naging pahayag nito.

“Baka dapat linawin ng Bise Pangulo kung ano ang ibig niyang sabihin. Is she for the legalization of drugs? Or sabihin niya talikuran na lang ang droga, huwag nang pansinin, o sinasabi lang ba niya na may aspeto na kayang baguhin. At kung meron, ano ito?” dagdag pa nito.