IMG 20200616 182841

Muling hiniling ng Bureau of Immigration (BI) sa mga foreign nationals na pumapasok sa Pilipinas na respetuhin ang ating batas.

Kasunod na rin ito ng pagbabawal na sa Spanish national na si Javier Salvador Parra, 49 na makapasok na dito sa bansa dahil sa pagiging arogante nito sa mga otoridad nang aarestuhin dahil sa hindi nito pagsusuot ng face mask sa labas ng kanyang bahay sa Dasmarinas Village sa Makati City.

Sinabi ni Immigration Commissioner Jaime Morente ipinag-utos na niyang isama ang pangalan ni Parra sa blacklist at hindi na siya puwedeng bumalik pa sa bansa.

Ang naturang hakbang ng BI ay dahil na rin sa hindi na bumalik dito sa Pilipinas ang banyaga para harapin ang reklamo laban sa kanya mula nang umalis ito tatlong araw matapos ang insidente noong April 26.

Kung maaalala, naging bayolente ang naturang banyaga nang sitahin ng mga pulis ang kanyang kasambahay na nasa labas ng bahay na hindi nakasuot ng facemask.

Ang pagsusuot ng facemask ay direktiba na rin ng pamahalaan kapag lalabas sa bahay para maiwasang mahawaan ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19).

“Now that he has been placed in our Immigration blacklist he is now perpetually banned from reentering the Philippines for being an undesirable alien. Foreigners who disrespect our laws and persons of authority do not deserve the privilege to stay in our country,” ani Morente.

Ayon kay BI intelligence chief Fortunato Manahan Jr., matapos ang pakikipag-away ng ni Parra sa mga pulis ay umalis ito sa bansa noong April 29 lulan ng Qatar Airways flight na papuntang Doha sa Qatar at doon muling sumakay ng eroplano patungo namang Madrid sa Spain.

Sinabi naman ni Manahan na pinayagan noon na umalis ng bansa ang banyaga dahil wala namang naisampang kaso sa kanya.

Nang makasuhan, binigyan si Parra nang hanggang May 21 na magsumite ng kanyang counter-affidavit at ang notice na humihiling sa kanyang sagutin ang mga alegasyon ay ipinadala sa kanyang bahay pero hindi ito pinansin.

Ito naman ang naging dahilan kung bakit nagsampa ang BI ng deportation dahil sa ground ng undesirability.

“Even when he out of the country he could still file his answer to the allegations by engaging the services of a lawyer who could submit a counter-affidavit on his behalf. It was obvious that he really intended to disregard the notice by just ignoring it,” paliwanang ni Manahan.

Base sa mga lumabas na report, nagsampa rin na hiwalay na kasong kriminal ang PNP laban sa Spaniard sa Makati prosecutor’s office.