Reading Time: 1 minute

Dinagit na ng Spain at France ang natitirang dalawang puwesto sa direktang qualification sa Tokyo 2020 Olympics sa pamamagitan ng FIBA World Cup.

Ito’y matapos na magwagi ang dalawang koponan sa kani-kanilang nilahukang laban sa quarterfinals ng torneyo.

Nakagawa ng “makasaysayang” upset ang France nang magapi nila ang defending champion na Team USA, 89-79.

Nauna namang binaon ng world No. 2 na Spain ang Poland, 90-78, sa kanilang pagtutuos sa knockout round.

Ito na ang ikaanim na sunod at ika-14 overall appearance ng Spain sa Olympics, habang mayroon namang siyam ang France.

Ang natitirang apat na puwesto sa men’s basketball event sa Olympics ay pupunan ng apat na koponang magwawagi sa FIBA Olympic Qualifying Tournaments sa susunod na taon.