Nanawagan si San Jose Del Monte, Bulacan Rep. Florida Robes sa mga kapwa niya mambabatas na isantabi ang politika at ipasa ang Bayanihan to Recover as One Act sa resumption ng session ngayong Hulyo.
Hindi aniya dapat maantala ang pagbibigay ng sapat na kapangyarihan kay Pangulong Rodrigo Duterte maipatupad ang aniya’y “extraordinary but necessary measure” para maprotektahan at matulungan ang publiko hangga’t sa wala pang bakuna kontra COVID-19.
Dapat aniya walang delay sa pag-apruba sa Bayanihan 2 sa resumption ng session sa darating na Hulyo 27, 2020 katulad nang mabilis na pag-apruba naman nila sa Bayanihan to Heal as One Act noong Marso sa pamamagitan ng isang special session.
Mababatid na bago ang sine die adjournment ng Kongreso, inaprubahan ng House Committee of the Whole ang House Bill 6953 noong Hunyo 4.
Si Robes ay isa sa mga panunahing may-akda ng naturang panukala, na nagpapalawig sa validity ng Bayanihan to Heal as One Act ng hanggang Setyembre.