Hindi uubra ang makailang ulit na pagpapatupad ng enhanced community quarantines laban sa pagkalat ng COVID-19 virus kung kulang ang kakayahan ng gobyerno para matukoy at matunton ang mga potential carriers at spreaders ng naturang virus, ayon kay Ang Probinsyano party-list Rep. Ronnie Ong.

Kung mayroon lamang aniyang reliable contact tracing system ang pamahalaan ay hindi na kakailangan na magpatupad pa ulit ng ECQ.

Sinabi ni Ong na isa sa mga “irrational” at “erratic” na mga polisiya ng pamahalaan laban sa COVID-19 pandemic ay ang mabagal na paggawa ng isang national contact tracing portal at vacciantion database kung saan maaring makapagsagawa ng real-time verification ng mga fully vaccinated nang indibidwal, na maari ring magamit para sa mabilis at reliable na contact tracing.

Magmula noong mabuo ang Department of Information and Communications Technology (DICT) noong 2016, tila naging “invisible” naman aniya ang kagawaran.

Kung titingnan ay magandang pagkakataon na rin aniya sana para sa DICT na magpakitang gilas pagdating sa information at resource-sharing at database-building ngayong mayroong pandemya, pero makalipas ang mahigit isang taon na nasa krisis ang bansa ay wala pa rin itong nabubuong reliable at verifiable contact tracing at vaccination portal.

Kahit nga ang online contact tracing portal na “Stay Safe” ay wala ring kuwenta dahil hindi rin ito nakakonekta sa isang sistema na otomatikong nagte-trace sa posibleng close contacts ng mga suspected carriers.