Tumangging sagutin ng Department of Justice ang posibilidad na agaran dalhin tungo sa International Criminal Court si Sen. Bato Dela Rosa sa oras na ito’y maaresto.
Ayon mismo kay Justice Secretary Fredderick Vida, ang naturang usapin ay papasok na sa ‘operational matters’ na hindi aniya maaaring pag-usapan o maisapubliko.
Iniiwasan raw kasi nila na maunsami o maapektuhan ang pangunahing layunin na tuluyan nang madala sa International Tribunal si Sen. Dela Rosa.
Kung saan nais ng kagawaran na dalhin na ang mambabatas sa The Hague, Netherlands upang iharap sa korte kaugnay sa kinasasangkutan kaso.
Subalit aminadong hindi pa maaaring sabihin o bigyan kaliwanagan ang magiging susunod na hakbang ng pamahalaan sa pagproseso ng pag-aresto at pag-turn over sa senador sakaling ito’y mapasakamay na ng mga awtoridad.
Maging si Justice Spokesperson Atty. Polo Martinez ay tumanggi rin kumpirmahin o magbigay ng tiyak na kasagutan ukol sa magiging proseso sakaling maaresto na ang mambabatas.
Giit niya’y hindi ito maari pang maisapubliko sa kasalukuyan ngunit sinabing ang pag-aresto ay responsibilidad na ng mga tagapagpatupad ng batas tulad ng National Bureau of Investigation, Philippine National Police at iba pa.
Aminado siyang masasabing natatangi ang sitwasyon o kaso ng pag-aresto kay Sen. Bato pati noong nakaraan taon kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Bagama’t wala pang pinal na desisyon ang Korte Suprema sa petisyon inihain ng kampo ni Sen. Dela Rosa kumukwestyon sa legalidad ng pag-aresto sa dating pangulo tungo The Hague, Netherlands, pinanindigan pa rin ng kagawaran ang direktiba na ipatupad ang arrest warrant mula International Tribunal.
Ito’y bunsod nang ibasura ng Kataas-taasang Hukuman ang kahiling ‘interim relief’ ng mambabatas na layon mapigilan implementasyon ng warrant.
Pagtitiyak naman ng kagawaran na rerespetuhin at igagalang pa rin ang karapatan ng naturang senador sa kabila ng direktibang siya’y arestuhin.
















