Bumuo na ng Special Investigation Task Group (SITG) ang Eastern Police District (EPD) sa pamumumo ni Pol. C/Supt. Bernabe Balba.

Ayon kay Balba, ang pagbuo ng SITG “Yulo” ay para mapadali ang imbestigasyon sa nangyaring pamamaril sa may EDSA Southbound harap ng VRP Hospital, Barangay Highway Hills, Mandaluyong City, bandang alas-3:30 ng hapon kahapon.

Kinilala ni Balba ang tatlong biktima na sina Jose Luis Yulo y Jugo, 62-anyos na negosyante at residente ng Ayala Alabang Village, Muntinlupa City; Allan Nomer Santos y Aragon, 55, flight operation staff/driver, residente ng Las Piñas City; at Esmeralda Ignacio, 38-year old stock broker at residente ng Las Piñas City.

Pinag-aaralan na rin sa ngayon ng SITG Yulo sa pamamagitan ng crime laboratory ang trajectory at cross matching ng mga bala, gayundin ang mga fingerprints na matatagpuan sa sasakyan ng biktima.

Tinitignan na rin ng Criminal Investigation and Detection Group ang mga closed-circuit television footages na mayroon sa crime scene para masiyasat.

Layon nito ay para matukoy ang mga suspek sa pamamaril.

Sa kabilang dako ayon kay Mandaluyong chief of police S/Supt. Moises Villaceran, posible may kinalaman sa negosyo ang motibo sa insidente.