cayman island OFW

BAGUIO CITY – Ikinagulat ng ilang mga OFW ang naglabasang sink holes sa Cayman Islands matapos ang naitalang 7.7 magnitude na lindol sa Caribbean.

Sa panayam ng Star FM Baguio kay Bombo international correspondent Robby Manzano, isang OFW sa Cayman Islands, sinabi nitong nag-panic sila sa lakas ng lindol at nasundan pa ito ng malakas na 4.9 magnitude na aftershock.

Nakunan din nito ang ilang mga sinkholes sa ilang mga pampublikong lugar.

“Around 2 o’clock, nagta-trabaho ako. Nasa garage ako. Nag-aayos kami ng gamit ng boss ko, tapos suddenly, bigla na lang kaming nakaramdam ng hilo. Actually, first time ko yun eh. Malakas talaga. Kahit yung garage door eh nag shake. Medyo nag panic na rin kami. Tapos naunang tumakbo yung mga alagang aso, na sila yung unang nakaramdam. Sobrang lakas. Yung katapat naming bahay, yung yard nila na may pool, nakita namin kung gaano kalakas tumatapon yung tubig ng pool,” kuwento pa ni Manzano. “May mga damages sa kalsada, may mga sink hole na naglabasan. Meron sa mga hotel, tsaka sa mga public beach.”

Ibinahagi naman ng OFW na sa tulong ng kanilang online Filipino community ay nalalaman nila ang sitwasyon ng kanilang mga kababayan sa lugar.

“Meron kaming Facebook page sa Filipino community dito. Nag advice naman sila na ‘Keep safe everyone’. Hawakan ang mga documents or passport in case. Nagkaroon din ng tsunami warning, pero inalis din. Low risk kasi ang Cayman Islands pagdating sa tsunami.”

Ayon sa US Geological Survey, nabubuo ang sinkholes sa mga lugar kung saan ang lupa ay walang natural na external surface drainage.