Lumalaki ang tsansa ng Pinoy shadow act na si Shadow Ace na maiuwi ang tumataginting na $100,000 o halos 5 miilyong piso.

Ito ay dahil muli na namang napahanga kagabi ni Shadow Ace sa kanyang performance ang mga hurado ng nasabing patimpalak.

Ipinakita ni Shadow Ace o mas kilala bilang Philip Galit sa nasabing performance kung paano ito nagsimulang mangarap sa dilim na ngayon ay unti-unti ng nagkakaroon ng liwanag.

Hanggang ngayon daw ay hindi nito lubos maisip na magsisilbi itong tulay upang makapasok siya sa grand finals ng Asia’s Got Talent.

Puro papuri naman ang ikinomento ng mga hurado sa kanya at inamin ng mga ito na sobrang excited daw sila sa performance ng binata.

Si Galit ay isa sa mga pambato ng Pilipinas sa Asia’s Got Talent kasama ang dance acts na Junior Good Vibes at Power Duo.