Muling nagtala ng panalo ang Cleveland Cavaliers nang samantalahin ang pagiging kulelat ng New York Knicks sa score na 108-87.

Liban kay Collin Sexton na may 31 points, namayagpag din ang Filipino American player na si Jordan Clarkson na may 17 points kasama si Kevin Love para sa kanilang unang winning streak ngayong season.

Ito na ang ikalawang sunod na panalo ng Cavs para sa kabuuang 4-5 record habang nasadlak naman sa 2-8 ang Knicks sa Eastern Conference.

Todo pagmamalaki si Cleveland coach John Beilein na tinawag pa niyang isa sa “better performance” ang nagawa ng kanyang mga bata.

Binigyang diin ni Beilen na nakagawa ang koponan ng halos 20 mga assists at meron lamang 12 mga turnovers, samantalang ang Knicks ay napuwersa sa 21 mga turnover.

Sa panig ng New York si Julius Randle ay nagtapos sa 20 points at 16 rebounds.

Samantala ang next game ng Cavaliers ay sa Philadelphia sa Miyerkules.

Ang Knicks naman ay bibisita sa Chicago.