LEGAZPI CITY – Maglalaan umano ng apat na araw ang Department of Interior and Local Government (DILG)-Bicol sa magiging hakbang kasunod ng pagbaba ng arrest warrant laban kay Daraga Mayor Carlwyn Baldo.

Paliwanag ni DILG-Bicol director Atty. Anthony Nuyda sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi, nakasaad sa Local Government Code na mananatili itong alkalde hanggang hindi naaaresto.

Patuloy naman ang pakikipag-ugnayan ng ahensya sa law enforcement agencies upang matiyak kung gaano katotoo ang impormasyon sa umano’y pagtatago ng alkalde.

Giit ni Nuyda na hindi maaaring maging “vacuum” ang nangyari upang maputol ang tuloy-tuloy na pagbibigay ng serbisyo sa publiko.

Sakaling makumpirma ito o madakip ang alkalde, inaasahang muling maitatakdang officer in-charge ng lokal na gobyerno ang bise alkalde ng Daraga hanggang sa may mag-assume na mayor sa Hunyo 30.

Samantala, dahil nasa ilalim pa rin ng Commission on Elections control ang bayan ng Daraga, nakikipag-ugnayan na rin ang ahensya para sa kaukulang aksyon sa naturang komisyon.