CENTRAL MINDANAO – Ipapamahagi na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga senior citizens sa lungsod ng Cotabato ang kani-kanilang mga social pension ngayong darating na June 17, 2020.

Ayon kay City Social Welfare and Development Office Head Cheribin Viloria, nasa 9,666 senior citizen beneficiaries ang makakatanggap ng P3,000 social pension sakop ang Enero hanggang Hunyo ngayong taon habang nasa 4,979 senior citizen beneficiaries naman ang makakatanggap ng abot sa P6,000.

Paliwanag ni Viloria, ang mga makakatanggap ng abot sa P6,000 ay ang mga benepisaryo nito na hindi natanggap ang kanilang mga social pension mula noong October 2019.

Ihahatid naman direkta sa tahanan ng mga senior citizen beneficiaries na hirap nang makapunta sa venue ng CSWD-Cotabato City ang social pension ng mga ito.

Dagdag pa ni Veloria, sa ngayon ay wala pang natutukoy na venue o lugar ang ahensiya kung saan isasagawa ang pay-out nito na tatagal hanggang June 25, 2020.

Ipapatupad naman sa mga lugar na isasagawa ang pay-out ang istriktong pagsunod sa minimum health standard protocol tulad ng pagsuot ng facemask at social distancing bilang pagtalima sa panuntunan ng Inter-Agency Task Force (IATF) upang makaiwas sa COVID-19.