-- Advertisements --

Nakatakdang mag-isyu ng pre-trial order ang Senate impeachment court sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte sa Lunes, Hunyo 29.

Ayon kay Senate impeachment court clerk Renato Bantug Jr. sinisimulan na nila ang draft ng pre-trial order at mayroon na rin aniyang inilabas na advisory memorandum si Senate President Sherwin Gatchalian sa mga senador kaugnay ng issuance ng pre-trial order sa susunod na linggo.

Inihayag din ni Bantug na tratrabahuin ng staff ng impeachment court ito hanggang sa weekend upang mailabas na ang pre-trial order sa Lunes.

Ang pre-trial order ang magsisilbing gabay o ‘roadmap’ para sa impeachment trial ni VP Sara kung saan isasaalang-alang ang posisyon ng parehong House prosecution panel at ng defense team pagdating sa facts, testigo, at mga petsa ng paglilitis na may kinalaman sa kaso.

Unang bibigyan ng mga kopiya ng dokumento ang magkabilang partido hanggang sa Miyerkules, Hulyo 1 para mag-isyu ng kani-kanilang komento.

Tiniyak ni Bantug na kayang matapos ang lahat bago pa man magsimula ang impeachment trial laban kay VP Sara sa Hulyo 6.