-- Advertisements --

Hinimok ng Philippine Bar Association ang senado na maging totoo at gampanan nito ng maayos ang kanilang trabaho hinggil sa ‘impeachment’ kontra Vice President Sara Duterte.

Ito mismo ang kanilang panawagan sa mga nakaupong senador matapos ang isinapublikong opisyal na pahayag ukol sa usapin ng pagpapatalsik sa ikalawang pangulo ng bansa.

Naniniwala kasi ang naturang samahan na malinaw umano na nakasaad sa konstitusyon ng bansa na dapat matuloy ang ‘impeachment trial’ ng senado.

Bagama’t posible naman raw na hindi sumang-ayon ang ilan na gawin ito ng agaran, anila’y hindi ito rason para ma-delay ng ilang buwan.

Kung saan mariin pa nilang iginiit na ang sinasabing ‘majority wins’ ay hindi lisensya para gawin itong basehan para lamang pag-isipan kung dapat gampanan ang isang trabaho na ipinag-uutos naman ng konstitusyon.

Binigyang diin nila rito na ‘mandatory’ ang pagsasagawa ng ‘trial’ o paglilitis sa oras na maihain o maipasa na ng Kamara de Representantes ang ‘Articles of Impeachment’.

Wala umanong ahensiya o sangay ng gobyerno ang maaring umiwas sa kanilang tungkulin kabilang na ang Senado.

Kaya’t mariin pa nilang iginiit na dapat itong maituloy base sa kung ano ang sinasabi, nakasaad at ipinag-uutos ng konstitusyon.

Ito din anila’y para maipresenta ng prosekusyon ang kanilang kaso at mabigyang pagkakataon ang nasasakdal na mabigyang linaw at maipagtanggol nito ang sarili laban sa mga alegasyong kinasasangkutan.