-- Advertisements --

Patuloy na mino-monitor ng mga doktor ang kalagayan ni Senator Rodante Marcoleta matapos siyang makaranas ng pananakit ng dibdib at pabago-bagong blood pressure.

Ayon sa Philippine National Police (PNP) Health Service, nananatiling stable ang kondisyon ng senador ngunit hindi pa siya handa para humarap sa paglilitis sa Sandiganbayan.

Sinabi ni Police Lieutenant Colonel Benaly Bayani ng PNP Internal Medicine Department na isinailalim pa si Marcoleta sa mga pagsusuri, kabilang ang blood tests at iba pang medical examination matapos siyang makaramdam ng pananakit ng dibdib at leeg.

Ayon sa mga doktor, nananatiling mataas at pabago-bago ang blood pressure ng senador. Dahil dito, patuloy siyang inoobserbahan, lalo na dahil sa kanyang edad at dati nang kondisyon na hypertension.

Bagama’t stable ang kanyang kalagayan sa ngayon, hinihintay pa ng mga doktor ang resulta ng karagdagang laboratory tests bago matukoy kung tuluyan nang naging maayos ang kanyang kondisyon.

Si Marcoleta ay 72 taong gulang. Nauna nang sinabi ni Interior Secretary Jonvic Remulla na maaaring abutin ng dalawang araw ang medical evaluation dahil sa edad ng senador.

Samantala, kinumpirma ng PNP na binisita ni Vice President Sara Duterte si Marcoleta sa PNP General Hospital noong Martes ng umaga.

Ayon sa PNP, nakadepende sa medical assessment ang mga susunod na pagbisita, ngunit papayagan ang kanyang pamilya at legal counsel na makapunta sa kanya.

Kapag tuluyan nang bumuti ang kondisyon ni Marcoleta at ma-clear na ng mga doktor, agad itong ipaaalam ng PNP sa Sandiganbayan.