-- Advertisements --
Sen Risa Hontiveros
Sen Risa Hontiveros

Nananawagan si Sen. Risa Hontiveros sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) na bilisan ang ginagawa nitong pag-aaral at pag-update sa benefit package para sa dialysis ng kanilang mga pasyente.

Sa mga panahong ito aniya ay dapat manaig ang pagiging makatao higit sa ano pa mang bagay sa mundo.

Bago raw ang pera o kikitain ng gobyerno ay dapat munang unahin nito ang kalinga na ibibigay sa mga nangangailangan alinsunod na rin sa kanilang sinupaan na magsilbi sa bayan.

Ayon sa senadora, nakasalalay sa bilis o bagal nang pagkilos ng Philhealth ang buhay ng kanilang mga pasyente. Matagal na umano niya itong pinapanawagan at hanggang ngayon ay hindi pa rin daw sapat ang kasalukuyang benepinsyo lalo na’t nasa panahon ng pandemya ang buong mundo.

Hindi rin daw makatarungan na sa panahong marami ang nawalan ng trabaho at naghihikahos sa buhay ay mapipilitan pang maglabas ang mga pasyenteng nagda-dialysis ng P12,000 sa isang linggo.

Dagdag pa ni Hontiveros na walang pagkukunan ng dose mil ang mga pasyenteng ito lalong lalo na ang mga mahihirap.

Hindi rin aniya dapat maging hadlang para sa state health insurer kung limitado ang pondo nito. Dapat ay mas lalo pa raw itong magsipag upang maghanap ng paraan na magkaroon ng pondo para sa mga life-saving services.

Bukod pa rito ay umapela ang mambabatas na huwag gawing “sacrificial lambs” ang mga dialysis patients.