Pinangunahan ni Philippine Red Cross (PRC) Chairman Senator Richard Gordonang pamimigay ng relied supplies sa 100 pamilya na naapektuhan ng paghagupit ni bagyong Rolly sa San Andres, Catanduanes.
Personal na bumisita kahapon ang senador sa nasabing lugar upang makita ang pinsala na iniwan ng nagdaang bagyo.
Kasama ni Gordon ang head of delegation ng International Federation of Red Cross at Red Crescent Societies (IFRC) na si Robert Kaufman, ilang opisyal ng Red Cross at local government ng Catanduanes.
Bawat pamilya ay nakatanggap ng mga non-food items tulad ng sleeping kits, mosqquito nets, blankets, mats, hygiene kits, collapsible jerry cans at tarpaulins.
Nais aniya ng Red Cross na ipakita sa mga apektadong pamilya na palaging nakahanda ang ahensya na tulungan ang mga ito lalo na tuwing panahon ng kalamidad.
Siniguro rin ni Gordon na hindi nag-iisa ang mga pamilyang ito mula sa dagok na kanilang pinagdadaanan at hinikayat ang mga ito na huwag susuko dahil tuloy lang ang laban ng buhay.
Isa ang Catanduanes sa mga lubhang naapektuhan ng bagyong Rolly kung saan nahirapan pa ang mga otoridad na kaagad makapagpadala ng rescue dahil naputol ang linya ng komunikasyon sa nturang lugar.
Matapos ang pagbisita sa Catanduanes ay nakipagkita naman ang senador sa mga lokal na opisyal ng Albay upang suriin din ang sitwasyon sa probinsya.
Ito ay para na rin umano mapaghandaan ng Red Cross kung ano-ano pa ang kakailanganin ng mga apektadong populasyon at kaagad makapaghatid ng tulong sa mga nangangailangang komunidad.
Una nang nag-deploy ang Red Cross ng humanitarian caravan sa Bicol na punog-puno ng emergency relief supplies at iba pang equipments.
Base sa initial assessment na ginawa ng mga volunteers at staff, binubuo ang naturang caravan ng rescue vehicles, equipment, relief items at manpower na magpapalakas pa sa on-going operations sa mga nasalantang lugar.
Samantala, nakahanda na rin ang ilang volunteers at staff ng Red Cross para naman sa pagpasok sa Philippine Area of Responsibilit (PAR) ng Bagyong Siony.