Personal na binisita ni Sen. Christopher Lawrence “Bong” Go ang Ninoy Aquino Stadium sa Rizal Memorial Sports Complex (RMSC) sa lungsod ng Maynila na pansamantalang ginawang quarantine site para sa mga pasyente at upang mapigil ang lalo pang pagkalat ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Si Go ang nagsisilbing Chairman ng Senate Committee on Health at miyembro ng Joint Congressional Oversight Committee na nangangasiwa sa pagpapatupad ng Bayanihan to Heal as One Act.
Kasama ni Go sa inspeksiyon noong araw ng Lunes, April 13 ay sina Health Secretary Francisco Duque III, Secretary Carlito Galvez, Jr., House Speaker Alan Peter Cayetano, Manila City Mayor Isko Moreno Domagoso, Bases Conversion and Development Authority President Vince Dizon, Office of Civil Defence Undersecretary Ricardo Jalad at mga opisyal mula sa health and infrastructure agencies.
May hiwalay ding inspeksiyon na isinagawa sa World Trade Center (WTC), Philippine International Convention Center (PICC) Forum Hall at iba pang pasilidad sa araw na iyon.
“Isa sa aking panawagan noong mga nakaraang linggo ay ang pagbuo ng quarantine areas gamit ang mga available facilities na pwedeng mai-convert into isolation sites. Ngayon na available na ang mga pasilidad na na-convert into isolation sites, pwede nang gamitin ang mga ito para mas agresibo nating masugpo at ma-contain ang pagkalat ng COVID-19,” ani Go.
Sabi ng Health officials, ang WTC, PICC at Ninoy Aquino Stadium sa loob ng RMSC ay tatanggap ng mild at asymptomatic patients habang ang Rizal Memorial Stadium ay magsisilbing COVID-19 step-down facility.
Kabuuang 1,125 beds ang ngayo’y nakahanda na para sa mga pasyente mula sa Metro Manila at mga kalapit rehiyon.
“Nagpapasalamat ako sa lahat ng tumulong at nag-facilitate ng conversion ng mga facilities na ito. Malaking tulong ito sa ating mga kapwa Pilipino. Mas maaalagaan dito ang mga kumpirmadong positive sa COVID-19 at mailalayo sila sa komunidad para hindi makahawa ng ibang tao,” saad ng mambabatas.
Ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) medical corps na binubuo ng mga duktor at nurses at Medical staff ang mangangasiwa sa mga naturang pasilidad.
“Ang inspeksyon na ito ay para masigurado natin na tama at may sapat na mga kagamitan tayo para matugunan ang mga pasyente. Higit sa lahat, sinisigurado rin natin ang kapakanan ng ating mga health workers, ang ating frontliners, na mayroon silang maayos na schedule at pati na rin ang kanilang mga gamit, tulad ng personal protective equipment (PPE),” paliwanag ni Go.
Ang PPEs para sa health workers ay ipagkakaloob ng Department of Health (DoH).
Ang mga naturang pasilidad ay may libreng laundry services at pagkain.
Habang ang utility companies tulad ng Meralco at Philippine Long Distance Telephone Company (PLDT) ay magbibigay naman ng libreng kuryente at wifi connection.
Nagkaloob naman si Go sa Ninoy Aquino Stadium quarantine facility ng samu’t saring produkto mula sa private donors.
Ang mga donasyon ay kinabibilangan ng 49 boxes ng toiletries (toothpaste, toothbrush, shampoo at body soap) at 31 boxes ng tsinelas.
Maliban sa mga nabanggit na pasilidad, ginawa na ring quarantine site ang iba pang sports and convention areas sa labas ng Metro Manila.
Ito ay ang Philippine Arena, Tarlac Convention Center at mga pasilidad sa loob ng New Clark City sa Capas, Tarlac.
Nagtungo naman ang iba pang mga opisyal na kasama sa inspeksiyon sa terminal sa Pier 15 South Harbor sa Maynila.
Ito ay upang tingnan ang mga barko na inalok ng 2GO Company na ginawa ring floating quarantine facilities.
Sila ay sinalubong ni Transportation Secretary Arthur Tugade at ng Philippine Coast Guard officials na nakatoka sa pag-convert sa private passenger vessels bilang temporary floating quarantine facilities na nakatutugon sa health standards.
Handa na ang dalawang barko para tumanggap ng mga pasyente na nangangailangan ng medical treatment and emergency.
Ang unang barko ay mayroong 350-bed capacity at puwedeng magamit para sa accommodation ng medical frontliners, habang ang pangalawang barko ay may 1,500-bed capacity.
“Centrally located itong Pier 15 kaya kapag kailangan ng medical treatment o may emergency, ang mga ospital sa Manila ay nasa 1-km to 4-km radius distance lamang. Patuloy ang pagsasaayos ng dagdag na health facilities bilang pagresponde sa COVID-19. Patunay ito na hindi tumitigil sa pagtrabaho ang gobyerno at higit sa lahat, talagang nagtutulungan ang bawat isa para maipahinto ang buong bansa mula sa krisis,” dagdag niya.
Samantala, patuloy na sinisikap ng gobyerno na pag-ibayuhin ang kapasidad ng mas marami pang ospital at medical laboratories para magkaroon ng kakayahan para maging COVID-19 testing centers sa iba’t ibang panig ng bansa.
Umaasa ang mga opisyal na sa pagdami ng quarantine facilities at testing centers ay tataas din ang recovery rate ng mga pasyente at mapigil ang lalo pang pagkalat ng COVID-19 sa bansa.