Umapela si Sen. Bong Go na siya ring chairman ng Senate Committee on Sports kay vaccine czar Gen. Carlito Galvez, Jr. na isama sa priority list ng COVID-19 vaccination ang mga Filipino athletes at iba pang delegadong sasali sa nalalapit na Tokyo Summer Olympics at Southeast Asian Games ngayong taon.

Sinabi ni Sen. Go, positibo naman ang naging tugon rito ni Sec. Galvez kung saan inihayag na pinag-aaralan na nila ang pagprayoridad din sa mga competing athletes pero hindi naman madedehado ang ibang sektor na nauna ng naisama sa priority list gaya ng mga medical frontliners at mga mahihirap na kababayan.

Ayon kay Sen. Go, bandila ng Pilipinas at dangal ng lahing Pilipino ang itatanghal ng ating mga atleta sa mga palarong ito kaya dapat lamang na bigyan din sila ng sapat na proteksyon.

Ipinaalala ng mambabatas na noong nakaraang Southeast Asian Games, nagbigay ng karangalan sa bansa ang mga atletang Pilipino at pinagkaisa ang sambayanan.

“Noong nakaraang 2019 SEA Games, naging kampeon ang Team Pilipinas dahil sa suporta ng buong sambayanang Pilipino. Nagkaisa ang gobyerno, pribadong sektor, at ordinaryong Pilipino para ating mga atleta,” ani Sen. Go.

-- Advertisement --