DAVAO CITY – Nilinaw ngayon ng mga security officials ng lungsod ng Dabaw na walang “white-van kidnapping” o puting van kidnapping incidents sa lungsod matapos lumabas ang mga balita sa online patungkol dito.

Inihayag ni Public Safety and Security Command Center (PSSCC) head Angel Sumagaysay na ang pagpakalat umano ng mga maling impormasyon patungkol sa puting van ang naghatid lamang ng takot at pangamba sa mga Dabawenyo.

Sa kasalukuyan, wala umano silang natanggap na report patungkol sa kaparehong insidente dito sa lungsod.

Matatandaan na ang balita tungkol sa puting van ang na-una nang lumabas sa social media noon pang nakaraang buwan kung saan mayroon pa itong mga online memes.

Inihayag naman ni Davao City Police Office (DCPO) Deputy Director for Administration Noel Silvoza na walang katotohanan ang naturang impormasyon lalo na at wala pa umano silang naitalang blotter na mayroong nawawalang tao na umanoy kinidnap ng puting van.

Pero nilinaw ni Silvoza na kahit walang katotohanan ang naturang report, nanatiling alerto ang DCPO lalo na’t ginaganap ngayon sa syudad ang Pasko Fiesta.