Naisapinal na ng National Capital Region Police Office ang inilatag nitong security at deployment plan para sa FIBA World Cup 2023.
Ito ay bahagi ng paghahanda ng kapulisan sa pagho-host ng Pilipinas sa naturang malaking sports event na idaraos sa bansa mula August 25 hanggang September 10, 2023.
Ayon kay NCRPO chief PBGEN Jose Melencio Nartatez, ang Site Task Group Metro Manila FBWC 2023 ay ang magsisilbing primary body na sesentro sa security operations at iba pang public-related safety service sa kasagsagan ng naturang aktibidad.
Kaugnay nito ay magpapakalat ang NCRPO ng nasa kabuuang 2,225 na mga pulis sa iba’t-ibang lugar upang tiyakin naman ang seguridad at proteksyon ng lahat ng mga international at sikat na basketball athletes na lalahok sa naturang world cup.
Bukod dito ay tuluy-tuloy din ang pakikipag-ugnayan ng pulisya sa Philippine Sports commission, Local Government Units, at iba pang mga stakeholders, at ahensya ng gobyerno upang bumuo naman ng collaborated security preparation para tiyaking mapapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa lugar.
Samantala, kasabay nito ay tiniyak naman ni NCRPO chief PBGEN Jose Melencio Nartatez na handa ang kanilang hanay sa lahat ng aspeto upang tugunan lahat ng mga pangangailangan ng mga atleta, delegates, at iba pang mga foreign guests sa kasagsagan ng nasabing aktibidad at pananatili sa ating bansa.