Vince Dizon
-- Advertisements --

Hindi raw dapat gawing rason ng mga Pilipino ang pagsisimula ng vaccine rollout sa bansa para hindi na mag-ingat laban sa coronavirus disease.

Ito ang naging paalala sa lahat ni vaccine czar Sec. Vince Dizon sa isinagawang pagbabakuna sa Qualimed Hospital sa Sta. Rosa City, Laguna kahapon.

Ang COVID-19 vaccines aniya ay dagdag proteksyon lamang upang hindi tamaan ng nakamamatay na virus ang isang indibidwal.

Mas makabubuti pa rin daw na palaging sumunod sa mga umiiral na health protocols ang publiko at huwag magpakampante dahil nananatili pa rin ang banta ng COVID-19.

Kailangan umanong maintindihan ng lahat na hindi dahil nagsimula na ang pagbabakuna ay ituturing na itong solusyon sa problema ng bansa kontra coronavirus.

-- Advertisement --

Dagdag pa ng kalihim na ang prevention, detection, isolation at treatment ay dapat magpatuloy upang hindi na sumirit pa lalo ang naitatalang COVID-19 cases sa bansa.

Dapat din daw paigtingin pa ang detection ng coronavirus disease sa mga high-risk areas, tulad ng National Capital Region (NCR), Regions 4 (Calabarzon), Region 7 (Central Visayas), 11 (Davao Region) at Cordillera Administrative Region

Kasalukuyan aniyang nire-review ng Inter-Agency Task Force ang mga desisyon na nagawa noong mga nakaraang linggo dahil mayroon daw malaking pagkakaiba noong napagdesisyunan na unti-unting magluluwag ang pamahalaan.

Siniguro naman nito na sapat pa ang isolation facilities sa bansa sa kabila ng pagsirit ng COVID-19 cases sa bansa.

Sa ngayon ay pumalo na ng 36,043 ang active infections sa Pilipinas, kasama na rito ang 3,276 new cases na nadagdag kahapon.