Ipinagtanggol ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Ano si PNP Chief Gen. Dionardo Carlos sa paggamit ng chopper na bumagsak nuong Lunes sa Real,Quezon Province.
Hindi na rin kailangang mag leave si Carlos, kasunod ng ikinasang imbestigasyon sa pag bagsak ng PNP H125 Airbus helicopter na ikinasawi ng isang crew at sugatan ang dalawang piloto.
Si PNP chief Carlos at ang kaniyang party ang susunduin ng nasabing helicopter sa exclusive island resort ng Balesin.
Sinabi ni Ano, awtorisado si Carlos na gamitin ang helicopter para gampanan ang kaniyang official duty lalo kung ito ang nakikita niyang available means of transportation.
Inihayag ni Ano, na naka pokus ang imbestigasyon sa kung ano ang sanhi ng pagbagsak.
Nasawi sa chopper crash ang enlisted crew na si Pat. Allen Noel Ona, habang sugatan ang dalawang piloto na sina Ltcol. Dexter Vitug at Lt Col. Michael Melloria na pawang nasa stable condition na ngayon.
Ayon naman kay PNP Spokesperson Col. Jean Fajardo ang lahat ng posibleng anggulo sa pagbagsak ng chopper ay bubusisiin ng SITG.
Sinabi ni Fajardo na si PNP chief ang mag shoulder sa lahat ng medical expenses ng dalawang sugatang piloto at bibigyan ng pinansiyal na tulong para sa nasawing patrolman.
Grounded din sa ngayon ang buong fleet ng PNP H125 Airbus helicopter kasunod ng pagbagsak ng isa.
Sinabi naman ngayong araw ni Sen. Panfilo Ping Lacson na kailangang linawin ng PNP Chief kung anong tungkulin ang ginagampanan nito sa Balesin Resort.