KORONADAL CITY – Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad kaugnay sa pamamaril-patay sa isang district school supervisor sa national highway ng bayan ng Pres. Quirino, Sultan Kudarat.

Kinilala ang naturang biktima na si Abdulkadir Sultan, at residente ng Purok KWM Barangay Poblacion ng nasabing bayan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay alyas Jean, isa sa mga testigo sa naturang krimen, nagtamo ng tama sa ulo at dibdib si Sultan habang lulan ng kaniyang itim na Sportivo na naging dahilan ng pagkasawi nito.

Papunta umano ito sa paaralan para sa isang seminar nang mangyari ang pamamaril.

Ayon kay Jean, posibleng mga riding-in-tandem criminals ang may kagagawan sa pamamaril.

Sa ngayon, inaalam na ng pulisya ang motibo sa insidente at hot pursuit operation laban sa mga suspek.