LA UNION – Matapos ideklara ang state of public health emergency at itinaas sa code red sub level 1 sa bansa dahil sa banta at pagtaas ng COVID 19 cases, ipinagpaliban na rin ang civil service examinations na nakatakda sa Linggo, Marso 15.

Ito ang natanggap na impormasyon ng Bombo Radyo La Union mula sa tanggapan ng CSC Region 1.

Ang naturang pagsusulit ay para sa professional at subprofessional.

Bilang pagtalima sa preventive measures ng pamahalaan laban sa COVID 19 ay nagdesisyon ang pamunuan ng Civil Service Commission (CSC) na huwag munang ituloy ang eksaminasyon, at hintayin ang susunod na anunsiyo kung kailan isasagawa ang naturang mga pagsusulit.

Dito sa rehiyon uno, mahigit sa 18,000 ang mga examinees.

Ngunit sa kabuuan ay 293,845 ang nakatakda sanang kumuha ng pagsusulit sa 66 na testing centers sa buong bansa.