Pormal nang inanunsiyo ngayon ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) ang pagkakabilang ng pangalan ni NBA star Jordan Clarkson at walo pang local players na magiging bahagi ng Gilas Pilipinas na isasabak sa August window ng 2023 Fiba Basketball World Cup Asia qualifiers.
Liban kay Clarkson, makakasama rin niya sa national team sina Dwight Ramos, Kiefer Ravena, Thirdy Ravena, Bobby Ray Parks, Francis Lopez, Carl Tamayo, at Kevin Quiambao.
Gayunman tumanggi muna si SBP executive director at spokesperson Sonny Barrios na tukuyin ang iba pang mga PBA players na bubuo sa Gilas pool dahil nagpapatuloy pa ngayon ang semifinals ng 2022 Philippine Cup.
Gayunman tiniyak ni Barrios na karamihan daw sa magiging miyembro ng Gilas pool ay magmumula sa PBA.
Sa susunod na Lunes ay magsisimula na ang puspusang ensayo ng national team upang paghandaan ang laban kontra sa Lebanon sa Aug. 25 at laban naman sa Saudi Arabia team sa Aug. 29.
Sa kabila nito, wala pang mabigay na eksaktong petsa ang SBP kung kelan ang pagdating sa bansa ng Utah Jazz player at Fil-Am na si Clarkson.
Lalaro si Clarkson sa ilalim ng bandila ng Pilipinas bilang isang naturalized player.