VIGAN CITY – Libu-libong turista na lulan ng Spectrum of the Seas na dumaong sa Salomague port, Cabugao, Ilocos Sur, ang napadpad sa Lungsod ng Vigan para sa ilang oras na kanilang pananatili bago bumalik sa kanilang cruise.

Sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Vigan, karamihan sa mga turistang sakay ng nasabing cruise ship ay Chinese ngunit mayroon ding ibang lahi kagaya ng Vietnamese, Singaporean, American national at iba pa.

Kaninang alas-7:00 kaninang umaga nang dumaong sa Salomague port ang cruise ship na sinalubong ng ilang entertainers na siyang hinabilinan ng provincial government.

Mula sa arrival area, mayroon nang mga bus at UV na nakaabang sa mga turista ngunit mas ginusto ng ilan sa mga ito na sumakay sa tricycle na siyang dahilan kung bakit nagkaroon ng kaunting problema hinggil sa kanilang sasakyan patungo sa Vigan.

Maliban sa Vigan, mamamasyal din ang mga turista sa Laoag City, Ilocos Norte at mamayang hapon ang kanilang nakatakdang pag-alis.