Nagsimula nang kumalat ang mga larawan ng singer na si Sarah Geronimo na bumisita pala kamakailan sa boyfriend at kapwa celebrity na si Matteo Guidicelli sa Camp Tecson sa Bulacan.

Ang naturang larawan ay mula sa fans club ng magkasintahan gaya ng @diplomatts at @ashmatt_love na ini-upload sa internet.

Makikita sa picture na kasama rin ni Sarah ang mga magulang at mga kapatid ni Matteo nang pumasyal sa 29-year-old Filipino-Italian actor na sumasailalim sa 45-day training bilang scout ranger.

Nabatid na na-promote ang boyfriend of five years ni Sarah bilang 2nd Lieutenant ng military reserve command.

“I’ll be in the military for one month. I’m entering on May 27 then I’ll be out July 1. It’s not normal military, it’s a scout ranger school,” saad ni Gudicelli nang magpaalam sa kanyang mga fans.

Una nang inihayag ni Matteo na lubos aniya ang kanyang paghanga sa mga Pilipinong sundalo na nakikipagsapalaran ng kanilang buhay para sa bayan at hangad na maraming pang kabataan ang magkaroon ng interes na pasukin din ang militar sa Pilipinas.

Matteo with Duterte
Matteo’s April 17 post

Kung maaalala, ibinunyag din ni Matteo na dagdag sa kanyang inspirasyon ay ang ibinigay na goodluck wish mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte nang siya ay bumisita sa Palasyo noong nakaraang buwan.

Sinasabing 30 minutong nag-usap ang dalawa kung saan tinalakay ni Matteo ang kanyang mga planong proyekto para sa mga sundalo.