(Update) BACOLOD CITY- Tuluyang binawian na buhay ang limang buwang sanggol na nahulog sa ilog matapos maputol ang hanging bridge sa venue ng fluvial parade kasabay ng Sinulog Festival sa Kabankalan City, Negros Occidental nitong Linggo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Police Lt. Col. Jonel Guadalupe, hepe ng Kabankalan City Police Station, kinumpirma nito na alas-5:15 kahapon ng hapon nang pumanaw ang sanggol na si Meisha Grey Cardinal Tadlan na residente ng Punta Rojas, Barangay 6 sa nasabing lungsod.

-- Advertisement --

Ayon kay Guadalupe, inaalam pa nila ang sanhi ng pagkamatay ng biktima.

Ngunit ayon sa inisyal na impormasyon na nakuha ng mga pulis, napasok ng tubig ang baga ng sanggol.

Samantala, nananatili pa sa ospital ang anim na iba pang residente na nasugatan matapos mag-collapse ang Camugao Suspension Bridge.

Kinumpirma naman ng alkalde ng Kabankalan City na si Mayor Pedro Zayco na magbibigay ng tulong pinansyal ang lungsod sa mga biktima.