-- Advertisements --
image 235

Ibinasura ng Sandiganbayan 7th Division ang motion for interrogatories at admission na inihain ng prosekusyon kaugnay sa P32 million na kasong graft laban kay dating Quezon City Mayor Herbert Bautista.

Sa resolution na may petsang June 13, 2023, sinabi ng korte na hindi nito pinapayagan ang prosekusyon na magsilbi ng request para sa pag-amin ni Bautista bilang pagkilala sa kaniyang karapatan laban sa self-incrimination.

Nag-ugat ang naturang mosyon mula sa umano’y pag-amin o mga pahayag na ginawa ni Bautista sa hiwalay na mosyon na inihain sa korte.

Hindi naman tinukoy ng korte ang mga umano’y pag-amin ng dating local executive.

Matatandaan na inihain ng prosekusyon ang naturang mosyon noong Mayo 17 ng kasalukuyang taon sa kadahilanan na umamin na umano si Bautista kaugnay sa kinakaharap na graft charges nito sa kaniyang hiwalay na mosyon.

Subalit iginiit naman ng abogado ni Bautista ang karapatan nito na ituring na inosente at karapatan na huwag magsalita sa naturang isyu.

Sinabi din ng mga abogado ni Bautista na walang legal na basehan ang prosekusyon bilang interrogatories at mag-request para paaminin ang kanilang kliyente dahil hindi pinapayagan ito sa ilalim ng Revised Rules of Criminal Procedure.

Matatandaan, ibinasura ng Sandiganbayan ang hirit na not guilty plea ng Bautista kaugnay sa maanomalyang solar power system at water­proofing project noong 2019.