MANILA – Nilinaw ng Department of Health (DOH) na alternatibong specimen lang sa RT-PCR test ang saliva o laway, na kanilang inaprubahang inisyatibo ng Philippine Red Cross (PRC).

Pahayag ito ng ahensya kasabay ng pag-rolyo ng PRC sa mas murang test para ma-detect ang COVID-19.

“Yung inaprubahan natin (for PRC) to use saliva as alternative specimen dito sa pagpo-proseso ng RT-PCR,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.

Nitong Martes nang buksan ng PRC ang drive thru specimen collection sites sa isang mall sa Pasay at Mandaluyong City.

Ayon kay Vergeire, bagamat kinikilala nila ang inisyatibo ng Red Cross ay kailangan mag-ingat ang institusyon.

-- Advertisement --

“Kailangan lang natin mag-ingat sa mga ganitong initiatives. Kailangan lang natin tingnan doon sa banda na nagiging efficient ba tayo sa gobyerno? Kailangan ba natin ng mass testing?”

“Gagawa lang tayo ng testing kapag kinakailangan because of our scarcity of resources.”

Ipinaalala ng Health spokesperson na nasa patuloy pa ring pinag-aaralan ang bisa ng saliva test kaya hindi pa rin pwedeng maging kampante ang publiko kapag sila ay nag-negatibo.

Sa ilalim ng letter of approval ng DOH, imina-mandato ng ahensya ang PRC na mag-submit din ng specimen sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) para ma-monitor ang accuracy ng saliva test.

“We will monitor them strictly dahil yung nagawa nilang pag-aaral, yung mga positive na napag-aralan nilang samples ay medyo kulang pa.”

“Inaantay lang natin ang RITM na makapag-release sila ng resulta for their validation so that we can also be able to apply this in the other laboratories in the country.”