Inirekominda ni House Committee on Ways and Means chairman Joey Sarte Salceda sa liderato ng Kamara at sa Inter-Agency Task Force (IATF) on Emerging Infectious Diseases na bilisan ang disbursement mechanism para sa pamamahagi ng emergency subsidies sa ilalim ng Bayanihan Act of 2020.

Sa kanyang aide memoir sa House leadership, inilatag ni Salceda ang mga posibleng gawin sa pagbibigay ng assistance para matiyak na matatanggap ito ng lahat ng mga nangangailangan.

Dapat mapasama aniya sa mabibigyan ng ayuda ang lahat ng target sectors kaya inirerekominda niya sa IATF na ikonsidera ang iba’t ibang listahan na hawak ng pamahalaan tulad ng sa TUPAD ng at self-employed list ng SSS at saka na lamang magsagawa ng cross-checking.

Dapat din aniyang buksan ito sa application kung saan kailangan lamang mapatunayan na benepisyaro na apektado ito ng enhanced community quarantine at magugutom sa oras na hindi makatanggap ng ayuda mula sa pamahalaan.

“The need for assisting quarantined family is urgent so  you will have to give out benefits as soon as possible to the sectors that you have already captured, and then open the lists for possible addition, using other lists and an open application system,” ani Salceda.

Ayon sa kongresista, maaring gamitin bilang primary vehicles ang Tax Reform Cash Transfer ng DSWD at COVID Adjustment Measures Program (CAMP) ng COLE para sa inisyatibang ito.

“Isa po sa mga achievement ng TRAIN was we enacted the broadest social amelioration program in Philippine history. Now we can use as a foundation for subsidies like this. 10 million households na po yan, of the envisioned 18 million beneficiary households for emergency subsidy,” dagdag pa nito.