CEBU CITY – Nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 and 11 sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act ang limang indibidwal sa buy bust operation sa Purok 1, Barangay Nangka, Lungsod ng Cebu.

Huli sina Ronel Dayaganon Giganto at Francesco Garafalo, kapwa 27-anyos; Rico Dela Cruz Uy, 19; Ronie Escobanez Conol, 29; at Josephine Dela Cruz Uy, 21-anyos.

Nakuha ng Drug Enforcement Unit ng Concolacion-Philippine National Police (PNP) mula sa mga ito ang 1.5 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P9.7 million.

Patuloy namang pinaghahanap ang subject ng operasyon na si Cela Dolliano Dela Cruz, 26-anyos, na nakatakas nang isinagawa ang transaksyon.

Samantala, nahaharap sa kasong paglabag sa anti-illegal gambling ang kapitan ng Barangay Kabatbatan, Dumanjug nitong lungsod.

Kinilala ang barangay kapitan na si Ruel Cuevas, 39-anyos.

Nakuha mula rito ang isang manok na pula o fighting cock at limang kalawit.

Ayon sa hepe ng Dumanjug-PNP na si P/Major Ardioleto Cabagnot, nakatanggap sila ng report na mayroon umanong nagpapasabong sa nasabing lugar.

Nang rumesponde ang mga pulis, naaktuhan ang punong barangay na siya mismong nangunguna sa aktibidad.

Napag-alaman na kada taon pala nagpapasabong si Kapitan Cuevas tuwing kaarawan nito.